Serbisyong TECH4ED, bukas na sa Alaminos City Library

nina Tom Balneg at Jeric Apigo

14435259_542569649284540_5661423004572281248_o

Naging matagumpay ang pagbubukas ng TECH4ED o Technology For Education, Employment, Entrepreneurship & Economic Development sa City Library dito sa Siyudad ng Alaminos na ginanap noong ika-29 ng Hulyo, 2016. Kasama si Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez, nanguna sa programa si Mrs. Zenaida C. Romero, pinuno ng aklatang panlungsod, na dinaluhan din ni City Administrator Dr. Emielou Gellado, bilang kinatawan ni Mayor Arthur F. Celeste.

Isa ang City Library ng Alaminos sa mga ginawaran ng proyektong TECH4ED na naglalayong magbigay ng libreng serbisyong may kaugnayan sa pagpapatas sa kalidad ng edukasyon at pagkokonekta sa trabaho, teknolohiya, negosyo. Higit sa lahat, napapabilis din ang access ng mga mamamayan sa serbisyo ng gobyerno, gaya ng online registration at verification sa GSIS, PAG-IBIG, PHILHEALTH, Civil Service, PRC, SSS, at BIR, gayundin ang pagtatakda ng ng appointment sa pagkuha ng pasaporte sa DFA at iba pang mga serbisyo-publiko.

“Dapat matuto tayong sumabay sa agos, tangkilikin at yakapin ang teknolohiya tungo sa mas mabilis, maayos at mas komprehensibong pagbibigay-serbisyo na maaaring gamitin sa pagpapaunlad sa sarili at sa bayan,” diin ni Vice Mayor Anton.

Ayon naman sa isang nakagamit ng TECH4ED, mas mabilis at hindi na kailangan pang gumising nang maaga para pumila nang napakahaba, halimbawa, sa pagkuha ng NBI clearance sa Dagupan, at pag-set ng appointment para sa pagpapagawa ng pasaporte.  Bagamat kailangan parin ng personal appearance para kunin mismo ang dokumento, nakababawas naman sa pamasahe, oras at pagod.

14479547_542569869284518_8547995849237811693_n

Handog ang TECH4ED ng mga nagkakaisang inisyatiba ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communication Technology (DICT), at National Library of the Phillipines (NLP). Sa pamamagitan ng mga tinatawag na mga platform, nakapaloob ang mga serbisyo, gaya ng (1) eEduSkills na naglalayong makapaghatid ng e-Learning sa mga mamamayan at matugunan ang pangangailangan sa larangan ng edukasyon; (2) eAssist na naglalayong matulungan ang mga matatanda, may kapansanan, at mga overseas Filipino workers (OFW), kabilang ang kanilang mga pamilya at kamag-anak, na magkaroon ng kaalaman sa pinansya, digital, pangkabuhayan at pagnenegosyo; at ang (3) EGovserv na deriktang nagbibigay ng serbisyo ng gobyerno sa mga kanayunan.

14425343_542569589284546_7472310113246658837_o14434830_542569595951212_8671364646583864698_o

Ang TECH4ED ay handang magbigay ng serbisyo anumang araw mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00am – 5:00pm, at Sabado, 8:00am – 5:00pm. Bisitahin lamang ang TECH4ED Center sa City Library para sa karagdagang detalye at impormasyon.

Advertisements