Serbisyong TECH4ED, bukas na sa Alaminos City Library

nina Tom Balneg at Jeric Apigo

14435259_542569649284540_5661423004572281248_o

Naging matagumpay ang pagbubukas ng TECH4ED o Technology For Education, Employment, Entrepreneurship & Economic Development sa City Library dito sa Siyudad ng Alaminos na ginanap noong ika-29 ng Hulyo, 2016. Kasama si Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez, nanguna sa programa si Mrs. Zenaida C. Romero, pinuno ng aklatang panlungsod, na dinaluhan din ni City Administrator Dr. Emielou Gellado, bilang kinatawan ni Mayor Arthur F. Celeste.

Isa ang City Library ng Alaminos sa mga ginawaran ng proyektong TECH4ED na naglalayong magbigay ng libreng serbisyong may kaugnayan sa pagpapatas sa kalidad ng edukasyon at pagkokonekta sa trabaho, teknolohiya, negosyo. Higit sa lahat, napapabilis din ang access ng mga mamamayan sa serbisyo ng gobyerno, gaya ng online registration at verification sa GSIS, PAG-IBIG, PHILHEALTH, Civil Service, PRC, SSS, at BIR, gayundin ang pagtatakda ng ng appointment sa pagkuha ng pasaporte sa DFA at iba pang mga serbisyo-publiko.

“Dapat matuto tayong sumabay sa agos, tangkilikin at yakapin ang teknolohiya tungo sa mas mabilis, maayos at mas komprehensibong pagbibigay-serbisyo na maaaring gamitin sa pagpapaunlad sa sarili at sa bayan,” diin ni Vice Mayor Anton.

Ayon naman sa isang nakagamit ng TECH4ED, mas mabilis at hindi na kailangan pang gumising nang maaga para pumila nang napakahaba, halimbawa, sa pagkuha ng NBI clearance sa Dagupan, at pag-set ng appointment para sa pagpapagawa ng pasaporte.  Bagamat kailangan parin ng personal appearance para kunin mismo ang dokumento, nakababawas naman sa pamasahe, oras at pagod.

14479547_542569869284518_8547995849237811693_n

Handog ang TECH4ED ng mga nagkakaisang inisyatiba ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communication Technology (DICT), at National Library of the Phillipines (NLP). Sa pamamagitan ng mga tinatawag na mga platform, nakapaloob ang mga serbisyo, gaya ng (1) eEduSkills na naglalayong makapaghatid ng e-Learning sa mga mamamayan at matugunan ang pangangailangan sa larangan ng edukasyon; (2) eAssist na naglalayong matulungan ang mga matatanda, may kapansanan, at mga overseas Filipino workers (OFW), kabilang ang kanilang mga pamilya at kamag-anak, na magkaroon ng kaalaman sa pinansya, digital, pangkabuhayan at pagnenegosyo; at ang (3) EGovserv na deriktang nagbibigay ng serbisyo ng gobyerno sa mga kanayunan.

14425343_542569589284546_7472310113246658837_o14434830_542569595951212_8671364646583864698_o

Ang TECH4ED ay handang magbigay ng serbisyo anumang araw mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00am – 5:00pm, at Sabado, 8:00am – 5:00pm. Bisitahin lamang ang TECH4ED Center sa City Library para sa karagdagang detalye at impormasyon.

Nutrition Month 2016, dinaluhan ni VM Anton

ni Liane Joy Bersamina

14352508_538119949729510_5285582997109845381_o

Ang butihing Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez ay dumalo sa ilang mga pagdiriwang ng Nutrition Month 2016, partikular na sa Sabangan Elementary School at sa Dulacac Elementary School, Lungsod ng Alaminos nitong Hulyo.

Naging panauhing pandangal si Vice Mayor Anton sa taunang pagdiriwang ng Nutrition Month sa mga nasabing eskwelahan, kung saan tinalakay niya ang kahalagahan ng edukasyon at kalusugan ng bawat bata. Alinsunod sa Memo-Circular 2016-90 ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan ay hinimok na magtampok ng pagdiriwang ng Nutrition Month sa buwan ng Hulyo sa ilalim ng temang “First 1000 days ni baby pahalagahan para sa malusog na kinabukasan.”

Ayon kay Vice Mayor Anton, nagagalak siyang makita na ang mga magulang, mga guro at ang gobyerno ay nagkakaisa para sa ikauunlad ng mga mag aaral. Hinikayat ng vice mayor ang tuluy-tuloy na kooperasyon ng mga nasabing grupo upang masigurong mabigyan nang tamang nutrisyon ang mga bata dahil sa malaking epekto nito sa pag-unlad ng kanilang pangangatawan at kaisipan.

 

14237586_536387486569423_2455935438421076643_n

“I personally believe that education is the greatest equalizer of our society. Let us remember, it takes a village to raise a child” pahayag ni Vice Mayor Anton. Dagdag pa niya na kung nabigyan ng tamang nutrisyon nang maaga ang mga bata sa kanilang unang 1000 na araw, lalong lumalaki ang kapasidad nilang matandaan ang kanilang mga inaaral.

Sinabi din niya sa kanyang talumpati na ang Sanggunian ay nakikiisa at sumusuporta sa anumang proyekto na maglilingkod sa mamamayang Alaminian