Aldaw Ti Propesyonal, nag-overtime ng serbisyo sa Alaminos City

ni Marinela Solar

 

 

15400316_574002722807899_745491278954758228_n

Mahigit 600 na mga propesyonal ng Lungsod ng Alaminos at ng iba’t ibang bayan ng Pangasinan at Zambales ang nabigyan ng serbisyo ng Professional Regulation Commission (PRC) kamakailan sa ilalim ng programang “Aldaw Ti Propesyonal PRC Mobile Services” dito sa Lungsod ng Alaminos. Isang buong araw ang ginugol ng mga kawani ng PRC na umabot hanggang ikawalo ng gabi upang mapagsilbihan ang mga kliyenteng nag-aapply para mag-eksamen sa kanilang propesyon, nag-renew ng kanilang lisensya, mga manunumpa, o mga kumukuha ng kanilang professional identification card (PIC).

 

Layunin ng Aldaw Ti Propesyonal na dalhin at mailapit sa mga kliyenteng galing sa mga malalayong bayan ang serbisyo ng PRC upang makatipid sa gastos at oras sa halip na umakyat pa ng Baguio City, ang pinakamalapit na sangay ng PRC sa Pangasinan. Nakipagtulungan ang nasabing ahensya sa tanggapan ni Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez at sang-ayon naman sa programa ang bise-mayor dahil tinutugunan nito ang isa sa kaniyang mga pangunahing hangarin para sa lungsod.

 

“Gusto ko na mas mapatatag ang sektor ng mga propesyonal natin. Malaking tulong sa kanila na di na nila kailangang gumastos nang malaki para maproseso yung kanilang mga credentials,” pahayag ni Vice Mayor Anton na siyang nanguna sa nasabing aktibidad. Matatandaang noong Hulyo ng kasalukuyang taon ang huling pagganap ng Aldaw Ti Propesyonal sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Vice Mayor at Sangguniang Panlungsod at ni Regional Director Teofilo Gaius Sison ng PRC Baguio City. Dagdag pa ni Vice Mayor Anton na ang programang ito ay pagpapatuloy ng naumpisahan ni dating Vice Mayor Earl James C. Aquino.

 

Sa 681 na mga propesyonal, umabot sa 223 ang mga nagpa-renew ng kanilang mga lisensya, 180 ang mga nag-apply para sa iba’t ibang mga licensure examination, 107 ang mga kumuha ng kanilang mga PIC at 171 ang mga manunumpa sa kanilang mga propesyon. Malaking bilang ng mga kliyente ng PRC ang mga guro, lalo na ang mga kapapasa lamang sa nakaraang Licensure Examination for Teachers o LET. Lumabas ang resulta ng LET nitong katapusan ng Nobyembre, 2016. Tatlumpu’t limang porsyento (35%) o 239 sa mga kliyente ang galing sa Lungsod ng Alaminos, habang may 30 ang galing sa Zambales. Gayundin, may 56 na galing sa ibang distrito ng Pangasinan at ang mga nalalabing bilang ay galing sa unang distrito. Noong Hulyo, lumabas sa ulat ng PRC na may 487 na mga propesyonal ang napagsilbihan nila.

 

“Tatapusin po namin lahat nang nakapila,” saad ng team leader ng grupo mula sa PRC Baguio City, nang makita nilang mahaba pa ang pila ng kanilang mga kliyente sa AVR ng Legislative Building nang pumatak na ang ika-lima ng hapon noong ika-12 ng Disyembre.

 

Dahil sa dami ng mga propesyonal dito sa lungsod at mga karatig bayan, inaasahang muling magsasagawa ang Vice Mayor’s Office/SP at PRC ng Aldaw Ti Propesyonal sa pagpasok ng 2017, lalo na’t may napipintong pagsusulit ng LET sa Marso ng darating na taon.

 

“Isa sa mga panukalang batas na gusto kong maihain sa Sanggunian ay magkaroon sana ng libre o diskwento sa pagproseso ng mga papeles ng mga bagong graduate na mga taga-Alaminos. Kumbaga, incentive sa kanila na sa unang hakbang nila sa kanilang mga career ay may libreng pagproseso ng mga requirement sa pag-aapply nila ng trabaho,” pagtatapos ni Vice Mayor Anton. Pinag-aaralan ng vice mayor ang nasabing proposisyon at inaasahan nitong mapag-uusapan ito sa mga darating na session ng Sanggunian.

Advertisements

VM Anton at SP, suportado ang F1K

ni Liane Joy Bersamina

 

Ipinasa kamakailan ng Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ni Presiding Officer/Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez, ang isang resolusyong sumusuporta sa programang First 1000 Days ni Baby na isinusulong ng National Nutrition Council (NNC).

 

Ang Resolution 2016-97 o Resolution Authorizing the City Mayor Arthur F. Celeste to Enter into a Memorandum of Agreement by and in-between the Local Government Unit – Alaminos City and the National Nutrition Council for the F1K Program na nilagdaan ng Sanggunian noong ika-7 ng Nobyembre, 2016 ay nagpapatatag sa naunang kasunduang naglalayong mabigyan ng tamang pangangalaga ang mga sanggol mula sa sinapupunan hanggang sa unang dalawang taon ng pagkasilang.

 

Matatandaang inilungsad noong Hulyo sa Alaminos City ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Intervention Package na pinangunahan ng Department of Health (DOH) at ng NNC alinsunod sa direktiba ng national government na magbigay ng mga serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, maagang edukasyon, at mga serbisyong panlipunan sa pinakamahalagang yugto sa paglaki at pag-unlad  ng isang tao, at ito ay ang first 1000 days (F1K) ng bawat bata.

 

Nilagdaan sa nasabing regional launching ang pagsang-ayon at pagsuporta sa pagpapatupad ng ECCD Intervention Package ng mga kinatawan ng iba’t ibang kaanib na ahensya na pinangunahan nina Dr. Myrna Cabotaje, Regional Director ng DOH Ilocos at Chairwoman ng Regional Nutrition Council, Mayor Arthur F. Celeste at Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez.

 

Binigyang diin ni Dr. Cabotaje ang pagkakaisa sa layunin ng F1K kung saan sinabi niya na, “All for Health towards Health for All. Kung hindi magsasama-sama ang community, hindi natin makakamit ang kalusugan para sa lahat kaya magkaisa tayo.”

 

Ipinaliwanag naman ni Vice Mayor Anton kung gaano kahalaga ang pag-aalaga sa mga sanggol lalo na sa first 1000 days sapagkat ito ang “golden window ng opportunity” ng bawat isa upang maging mga mahuhusay, malulusog at matatalinong mamamayang Alaminian.

 

Ayon naman kay Mayor Celeste, susuportahan ng kanyang administrasyon ang tatlong taong implementasyon ng programa na magsisimula ngayong taon kabilang na din ang mga programang pangkalusugan ng national government para masiguro ang kalusugan ng kanyang mga nasasakupan.

Kaligtasan ng mga mag-aaral, pokus ng School Safety 101 ng VM Office/SP

ni Marinela Solar

Pinangunahan ng Tanggapan ng Vice Mayor at Sangguniang Panlungsod ang pagsasagawa ng seminar patungkol sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng paaralan na pinamagatang School Safety 101 noong ika-9 ng Setyembre, 2016 sa Office of the Provincial Agriculturist Conference Hall. Mga guro at mga kawani ng mga pampublikong paaralan na may kinalaman sa school safety ang mga kalahok sa nasabing seminar na naglalayong tugunan ang mga napapanahong isyu sa loob ng paaralan, gaya ng bullying at iba pang problemang pangkaligtasan.

14333170_10208765651271779_3220904414165641447_n

 

“Ang kaligtasan ng ating mga paaralan ay nagkakaisang tungkulin ng ating mga komunidad, at kailangang maramdaman ng ating mga mag-aaral na ligtas sila sa anumang mga panganib at kaguluhan habang sila ay nasa silid-aralan.” Ito ang pahayag ni Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez ukol sa layunin ng seminar na kung saan ipinaliwanag niya na ang School Safety 101 ay isang paraan ng Sanggunian upang mapag-aralan ang isyung kinahaharap ng sektor ng edukasyon.

 

Ibinahagi ni Fiscal Madonna Go-Palisoc ng City Prosecutor’s Office ang mga dapat malaman ng mga kalahok pagdating sa karapatang pambata at inilahad niya ang mga batas na tumutugon sa mga ito. Nilinaw rin ni Fiscal Palisoc ang ilang probisyon ng Republic Act No. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013 na pinalawig pa ng mga kinatawan ng Philippine National Police Alaminos City sa kanilang paksa na Handling Emergencies. Samantalang paksa naman ni Rev. Father Melchor Braga ng St. Joseph Cathedral Parish ang pagkalinga at gabay sa mga mag-aaral.

 

Sa pagpapalitan ng kuru-kuro sa pagitan ng mga kalahok at ng mga resource speakers, hinikayat ang mga kaguruan na maghain ng panukala sa Sanggunian upang mapag-aralan ng mga lokal na mambabatas “in aid of legislation” kung anong mga polisiya ang makakatulong sa pagpapatupad ng panuntunan sa mga paaralan.

 

Sa mga tanong na mga tulong sa pasilidad ng paaralan, mungkahi rin sa mga kalahok na himukin ang Local School Board na paglaanan ng pondo ang mga kagamitang makakatulong sa pagsubaybay ng kaligtasan ng mga bata, gaya ng CCTV, mas maayos na mga pader at bakod at iba pa.

Serbisyong TECH4ED, bukas na sa Alaminos City Library

nina Tom Balneg at Jeric Apigo

14435259_542569649284540_5661423004572281248_o

Naging matagumpay ang pagbubukas ng TECH4ED o Technology For Education, Employment, Entrepreneurship & Economic Development sa City Library dito sa Siyudad ng Alaminos na ginanap noong ika-29 ng Hulyo, 2016. Kasama si Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez, nanguna sa programa si Mrs. Zenaida C. Romero, pinuno ng aklatang panlungsod, na dinaluhan din ni City Administrator Dr. Emielou Gellado, bilang kinatawan ni Mayor Arthur F. Celeste.

Isa ang City Library ng Alaminos sa mga ginawaran ng proyektong TECH4ED na naglalayong magbigay ng libreng serbisyong may kaugnayan sa pagpapatas sa kalidad ng edukasyon at pagkokonekta sa trabaho, teknolohiya, negosyo. Higit sa lahat, napapabilis din ang access ng mga mamamayan sa serbisyo ng gobyerno, gaya ng online registration at verification sa GSIS, PAG-IBIG, PHILHEALTH, Civil Service, PRC, SSS, at BIR, gayundin ang pagtatakda ng ng appointment sa pagkuha ng pasaporte sa DFA at iba pang mga serbisyo-publiko.

“Dapat matuto tayong sumabay sa agos, tangkilikin at yakapin ang teknolohiya tungo sa mas mabilis, maayos at mas komprehensibong pagbibigay-serbisyo na maaaring gamitin sa pagpapaunlad sa sarili at sa bayan,” diin ni Vice Mayor Anton.

Ayon naman sa isang nakagamit ng TECH4ED, mas mabilis at hindi na kailangan pang gumising nang maaga para pumila nang napakahaba, halimbawa, sa pagkuha ng NBI clearance sa Dagupan, at pag-set ng appointment para sa pagpapagawa ng pasaporte.  Bagamat kailangan parin ng personal appearance para kunin mismo ang dokumento, nakababawas naman sa pamasahe, oras at pagod.

14479547_542569869284518_8547995849237811693_n

Handog ang TECH4ED ng mga nagkakaisang inisyatiba ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communication Technology (DICT), at National Library of the Phillipines (NLP). Sa pamamagitan ng mga tinatawag na mga platform, nakapaloob ang mga serbisyo, gaya ng (1) eEduSkills na naglalayong makapaghatid ng e-Learning sa mga mamamayan at matugunan ang pangangailangan sa larangan ng edukasyon; (2) eAssist na naglalayong matulungan ang mga matatanda, may kapansanan, at mga overseas Filipino workers (OFW), kabilang ang kanilang mga pamilya at kamag-anak, na magkaroon ng kaalaman sa pinansya, digital, pangkabuhayan at pagnenegosyo; at ang (3) EGovserv na deriktang nagbibigay ng serbisyo ng gobyerno sa mga kanayunan.

14425343_542569589284546_7472310113246658837_o14434830_542569595951212_8671364646583864698_o

Ang TECH4ED ay handang magbigay ng serbisyo anumang araw mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00am – 5:00pm, at Sabado, 8:00am – 5:00pm. Bisitahin lamang ang TECH4ED Center sa City Library para sa karagdagang detalye at impormasyon.

Nutrition Month 2016, dinaluhan ni VM Anton

ni Liane Joy Bersamina

14352508_538119949729510_5285582997109845381_o

Ang butihing Vice Mayor Jose Antonio Miguel Y. Perez ay dumalo sa ilang mga pagdiriwang ng Nutrition Month 2016, partikular na sa Sabangan Elementary School at sa Dulacac Elementary School, Lungsod ng Alaminos nitong Hulyo.

Naging panauhing pandangal si Vice Mayor Anton sa taunang pagdiriwang ng Nutrition Month sa mga nasabing eskwelahan, kung saan tinalakay niya ang kahalagahan ng edukasyon at kalusugan ng bawat bata. Alinsunod sa Memo-Circular 2016-90 ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan ay hinimok na magtampok ng pagdiriwang ng Nutrition Month sa buwan ng Hulyo sa ilalim ng temang “First 1000 days ni baby pahalagahan para sa malusog na kinabukasan.”

Ayon kay Vice Mayor Anton, nagagalak siyang makita na ang mga magulang, mga guro at ang gobyerno ay nagkakaisa para sa ikauunlad ng mga mag aaral. Hinikayat ng vice mayor ang tuluy-tuloy na kooperasyon ng mga nasabing grupo upang masigurong mabigyan nang tamang nutrisyon ang mga bata dahil sa malaking epekto nito sa pag-unlad ng kanilang pangangatawan at kaisipan.

 

14237586_536387486569423_2455935438421076643_n

“I personally believe that education is the greatest equalizer of our society. Let us remember, it takes a village to raise a child” pahayag ni Vice Mayor Anton. Dagdag pa niya na kung nabigyan ng tamang nutrisyon nang maaga ang mga bata sa kanilang unang 1000 na araw, lalong lumalaki ang kapasidad nilang matandaan ang kanilang mga inaaral.

Sinabi din niya sa kanyang talumpati na ang Sanggunian ay nakikiisa at sumusuporta sa anumang proyekto na maglilingkod sa mamamayang Alaminian